(Para sa mga single at may boyfriend na naghahanap pa rin ng pagmamahal na magkukumpleto sa kanila. Bear with me dahil first time kong magsulat in Filipino, though I decided to use Taglish and terms found in Pinoy conversations accessible to readers of any age :D )
Pagbati sa’yo mambabasa! Ako si Julia. Kasalukuyan akong nasa isang beach resort, retreat namin sa kolehiyo. Tuwing masasaglit ako sa karagatan, ugali ko na ang magsulat sa isang puting papel at ilagay ito sa bote na dadalhin ng hampas ng mga alon. Hindi ko alam kung ilang tao ang makakabasa nito, ang iba siguro’y hindi magkakainteres at hahayaan lang itong sumabay sa pagtilapon ng tubig, ang iba’y babalutan ng curiosity at handa na igugol ang oras sa pagbabasa. Alinman sa dalawa, sigurado akong hindi aksidenteng hawak mo ngayon ang puting papel na ito.
Gusto ko lang naman ikwento ang bagay na matagal kong hinalughog sa buhay ko. Pitong letrang hinanapan ko ng deskripsyon kung saan-saan. Pitong letrang nagpangiti at nagpaiyak sa aking damdamin na kung tawagin ng mga kaibigan ko’y fragile at sensitive: P.A.G.-I.B.I.G.
“Ano ang pag-ibig?” yan ang tanong ko sa sarili mula 5 years old ako. First time ko sa eskwelahan bilang kindergarten at tinabi ako ng titser ko sa pinakacute kong klasmeyt. Nang mga oras na ‘yun, wala pa akong kamalayan sa salitang pag-ibig pero ang alam ko’y masaya kong ibinahagi ang baon kong hotdog at rice kay Jed at madalas ko siyang asarin. Sa playground ay hahayaan kong mauna siya sa slide kahit na nasa harap ako ng pila. Pag-ibig na ba ang tawag dun? Ewan ko. Ang huli kong naaalala ay lumipat siya sa mas mamahaling school at hindi ko na siya nakitang muli.
Pagtungtong ko ng elementary, namangha na naman ako sa isa kong klasmeyt. Si Froilan ang una kong napansin nung 1st day of school. Buhat noon ay siya na ang laman ng isip ko; ilang beses akong napagalitan sa klase dahil nahuli ako ni Ms. Garcia na naglalaro ng FLAMES (friend, love, anger, marriage, enemy at sweetheart) sa kwaderno imbes na magsulat ng mga aralin. Punong puno ng pangalan ni Froilan ang pink notebook kong may mukha ni Hello Kitty sa harap. “Crush ang tawag diyan,” ang sabi ni Inay. Crush lang ba talaga yung iiyak ka kapag nalaman mong pupunta siya sa ibang bansa at hindi na babalik? Magma-migrate na raw kasi silang mag-anak sa States. Ayun, naglaho nalang ng parang bula si Froilan bago kami mag Grade 6. Parang si Jed. Lungkot na lungkot ako nun kaya mas naging curious ako sa love.
Kumbinsido na ako na nahanap ko na ang love pagdating ng highschool. First boyfriend ko si Lester. Alam mo yung pakiramdam na siya na ang mapapang-asawa mo? Laging tumatalon ang puso ko tuwing nakikita ko siya. Basta iba ‘to, ibang iba sa naramdaman ko kina Jed at Froilan. Perfect na ang lahat, araw araw niya akong pinapakilig sa mga matatamis niyang salita. Pupungayan ko ang mga mata ko tuwing kausap siya. Ngunit ang pagpungay ng mga mata ko ay biglang naglaho nang malaman kong pinopormahan din niya yung kaibigan ng bestfriend ko. Pinagsabay kami. Umikot ang mundo ko nun, mabilis na mabilis na para bang gusto ko nalang bumagsak. Iyak ako ng iyak sa kwarto at hindi ko na nagagawa ang homework ko. Ganito ba talaga ang pagibig? Wala bang happy ending?
Naging desperado ako after ng break-up namin ni Lester. Marami akong naging boyfriend. Mga apat. Yung isa tumagal ng 3 months, yung dalawa 1 month, at yung isa…3 days! Gusto kong maniwala na walang lasting sa love. Na ang love ay parang tsokolate na matamis sa una pero nakakaumay din kapag marami na at hindi mo mamamalayang na-digest mo na pala. Pero deep within me, alam kong mahahanap ko rin yun balang araw. Yun nga lang, ang puso ko’y parang naging band-aid na na ginamit ng mahigit tatlong beses. Sinubukang takpan ang mga sugat pero hindi ito inalis at pagkatapos sa isang sugat ay hindi na ito epektibo sa pagprotekta sa iba dahil nawala na rin ang dikit nito.
Pagkatapos nung apat kong boyfriend, matagal akong hindi nakipagrelasyon. Tinutukso ako ng mga kaibigan ko sa kolehiyo na tatanda raw akong dalaga. At nang napagusapan ang sensitive subject ng sex ay lalo akong napagtawanan dahil nalaman nilang virgin pa ako. Sinabi kong ipinangako ko sa sarili kong gusto kong kasal ang mauuna. “Hindi na uso yun! Kasal kasal e bakit kailangan mo pang maghintay kung pwede mo na namang ma-enjoy ngayon!” Ah basta. Hindi ko kailangan magpaliwanag. Final na ang decision ko kaya wala na silang masasabi na na makakapagpabago nun.
Naramdaman kong naging O.P. (out-of-place) ako pagkatapos nun. Hindi na ako sinasali sa usapang malalaswa. Dapat ba nagsinungaling ako at sinabi kong hindi na ako virgin? Na-down ako pero narealize kong hindi ko naman kailangan i-prove ang sarili ko sa mga tao. Bakit hindi nila matanggap kung sino ako?
Bihira na akong sumama sa mga lakad ng barkada. Madalis na mag-isa akong naglalakad sa campus o kumakain sa cafeteria. Hanggang sa nakilala ko si Kristina sa geography class ko. NBSB siya pero sa araw-araw na klase namin ay hindi halatang wala siyang boyfriend. Lagi nga siyang blooming na para bang marami ang kanyang manliligaw. Laging may ngiti sa mga mata niya. Nainggit ako sa kanya dahil ako, tingin ko’y laging kunot ang noo ko. O baka naging ganun na lang ang perception ko sa sarili.
Isang araw ay late ang geography professor namin at habang naghihintay, kung ano ano ang sinusulat ko sa likod na pahina ng notebook kong dati’y pink pero ngayo’y dark blue na. Pagkatapos kong iguhit ang letrang “g” ay bigla kong narinig ang boses ni Kristina, “Nasaan ang pag-ibig?”. Binasa niya ang tatlong salitang gumugulo sa isip ko. Nagningning ang mga mata niya at abot tenga ang ngiti niya na para bang inaabangan ang pagkapanalo sa lotto. Pagtatawanan ba niya ako gaya ng mga kaibigan ko?
“Julia! May klase ka ba mamayang 4pm? Sumama ka sakin! Ipapakilala ko sa’yo ang pag-ibig!” Tumigil ang orasan sa dingding ng classroom at hindi na ako nagdalawang isip pa. Abot-abot ang pagtango ko. Nagkaroon ako ng pag-asang mahahanap ko pa rin talaga ang pag-ibig na hindi temporary lamang.
Dinala ako ni Kristina sa isang malaking room kung saan marami ang nagtitipon. Sa labas pa lang ay rinig ko na ang paghampas sa drums at pagkalabit sa strings ng gitara. Siguro’y ang mga tao dito ay brokenhearted din at single kaya nagsasama-sama nalang, ang sabi ng isip ko.
Nakatungo kong sinundan si Kristina sa paghahanap ng upuan. Pasulyap sulyap akong tumitingin sa mga tao sa paligid. Marami sa kanila’y namumukhaan ko, silang mga masiyahin at proud na single. Inabsorb ko ang kantang tinutugtog sa oras na ‘yun. Pumikit ako at hinayaan kong dumaloy ang lyrics sa mga tainga ko.
Thank You for the cross
Without You I am lost
It is for Your cross I live today
Living for Your love
Lost but now I am found
It is for Your cross I live today...
Without You I am lost
It is for Your cross I live today
Living for Your love
Lost but now I am found
It is for Your cross I live today...
Hindi ko maintindihan ang mga salita sa kanta. Pero nagpatuloy ako sa pakikinig dahil hindi ko mapigilang marelax. Parang pinupuno ang mga holes sa puso ko. Sa paglipas ng oras ay ipinakilala Siya sa akin. Siya pala yung mahal na mahal ako na matagal nang naghihintay sa akin! Yung kahit na anong gawin ko’y hindi ako lolokohin at iiwan. Yung hindi aalis at pupunta sa ibang lugar dahil pinoprotektahan niya ako saan man ako magpunta. Yung deskripsyon ng love na matagal ko ng hinahanap but I had searched for the wrong places. Yung tanggap ako kung sino ako at hindi himihingi ng demands. Yung kahit masaktan ko’y hindi naglilista ng mga pagkakamali ko. Yung love na panghabangbuhay. Hindi 3 months, hindi 3 days.
Nang tinanggap ko Siya ay nalaman kong dun lang ako magiging handa magmahal ng tao. Noon ay sa tao ako nakadepende kaya lagi akong disappointed. Hindi naman kasi mapupunhan ng tao ang emptiness ko dahil hindi gawa ang tao para makumpleto ang isa pang tao. “You complete me,” ang sabi ng maraming inlove. Pero hindi pala iyon totoo no? Hindi ka makukumpleto hangga’t hindi mo nakikilala at natatanggap yung pagmamahal nang nagbigay sa’yo ng heartbeat. Maraming ayaw maniwala sa akin, marami ang nagsabi na ang K.J. ko. Pero ang sinasabi nila’y parang hangin na dadaan at aalis din. Alam kong hindi ako nagkamali at hindi ako magsisisi.
Nang malaman kong may nagmamahal sa akin ng ganun kahigit, nag-iba ang perception ko sa love. Hindi pala ‘yun yung pagsulat ng pangalan ng crush mo sa kahit na anong papel na mahawakan mo. Hindi pala ‘yun yung mga salitang magpapakilig sa’yo na sasambitin ng lalaking gusto mo. At hindi pala yun yung parang electricity na dumadaloy sa dugo mo kapag nasilayan mo ang taong pinaniniwalaan mong soulmate mo na. It’s definitely more than that.
No comments:
Post a Comment